Kapag sinabi ko sa iyo na ika'y minamahal Sana'y maunawaan mo na ako'y isang mortal At di ko kayang abutin ang mga bituin at buwan O di kaya ay sisirin perlas ng karagatan
Kapag sinabi ko sa iyo na ika'y iniibig Sana'y maunawaan mo na ako'y taga-daigdig Kagaya ng karamihan, karaniwang karanasan Daladala kahit saan, pang-araw-araw na pasan
Ako'y hindi romantiko, sa iyo'y di ko matitiyak Na pag ako'y kapiling mo kailanma'y di ka iiyak Ang magandang hinaharap sikapin nating maabot Ngunit kung di pa maganap, sana'y huwag mong ikalungkot
Kapag sinabi ko sa iyo na ika'y sinisinta Sana'y yakapin mo akong bukas ang iyong mga mata Ang kayamanan kong dala ay pandama't kamalayan Na natutunan sa iba na nabighani sa bayan
Halina't ating pandayin isang malayang daigdig Upang doon payabungin isang malayang pag-ibig Kapag sinabi ko sa iyo na ika'y sinusuyo Sana'y ibigin mo ako, kasama ang aking mundo